Babae higit 50 beses pinagsasaksak ng live-in partner sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2020 11:27 PM | Updated as of Jul 17 2020 12:45 AM

Isang babae ang pinagsasaksak sa Mabalacat City, Pampanga dahil umano sa selos ng kaniyang live-in partner. Kuha ng Mabalacat CPS

Isang babae ang patay matapos pagsasaksakin nang higit 50 beses ng live-in partner niya sa Bgy. Sapas Biabas sa Mabalacat City, Pampanga nitong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa isang kapitbahay na si Agnes Padua, narinig nilang nagtatalo ang biktima at suspek matapos ang isang inuman.

Dito na tumawag ng saklolo sa mga barangay officials ang mga kapitbahay

Pagdating sa kubo ng mag-partner, dinatnang nakahandusay at wala nang buhay ang biktima, na may tadtad nang higit 50 na saksak.

“Pagdating sa crime scene dinatnan pa po, nakausap pa mismo ng ating mga tanod yung mismong suspek, at tinanong kung asan yung asawa niya, itinuro sa loob ng bahay, at sabay na pong tumakas,” ani Police Lt. Col, Ed Guevarra, hepe ng Mabalacat City Police Station.

Na-recover ang kutsilyong ginamit sa pananaksak.

“Marami tayong anggulong tinitignan, pero ang pinakamalapit yung anggulong pagseselos, yung tinatawag sa English na 'crime of passion.' Kasi kung hindi matindi ang galit mo hindi aabot nang 53 na saksak ang ibibigay mo sa isang tao,” ani Guevarra.

Nahuli na ng mga pulis ang suspek nang bumalik ito sa crime scene.

Sa kanyang pagkahuli, inamin niya ang kaniyang nagawang krimen. Sasampahan siya ng kasong murder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.