Agora Market sa San Juan City, muling nagbukas matapos ang 15 araw na disinfection

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2020 02:12 PM

 

MAYNILA — Muling nagbukas ang Agora Market sa lungsod ng San Juan ngayong Huwebes matapos nitong sumailalim sa 15 araw na paglilinis at disinfection, ayon kay Mayor Francis Zamora.

Sa Facebook post ng alkalde, diniin nito ang ilang mga alituntunin katulad ng pagkakaroon ng health clearance at pagsunod sa mga health protocols para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

“Sa muling pagbubukas ng Agora Market ngayong araw, ang mga vendors, staff at empleyado lamang na may health clearance (blue ID) ang pwede magtinda at magtrabaho," sabi ni Zamora.

"Dapat din ay lahat ng vendors at mamimili ay naka-mask at sumusunod sa physical distancing."

Hinikayat ng alkalde na isumbong sa San Juan Police at Task Force Disiplina ang sinumang lumalabag sa mga patakaran na aniya ay para sa kaligtasan ng lahat.

Ipinasara ang naturang pamilihan matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang fish vendor.

Kalaunan, nadagdagan ng 23 na tao mula sa palengke ang nagpositibo sa bagong coronavirus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.