3 personnel ng medical center sa Iloilo City nagpositibo sa COVID-19

Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2020 12:50 AM

ILOILO CITY - Tatlong personnel ng Western Visayas Medical Center sa lungsod na ito ang nagpositibo sa COVID-19, ayon sa Department of Health-Center for Health Development Region 6 nitong Miyerkoles.

Isang nurse, isang radiologic technologist, at isang institutional worker ang mga tinamaan ng sakit, ayon sa DOH-6. Naka-quarantine na sa WVMC ang 3 personnel.

Isinailalim na sa lockdown ang ilang bahagi ng ospital. Kabilang dito ang dalawang wards, bahagi ng emergency room para sa mga non-COVID patients at bahagi rin ng radiology department.

Ayon sa chief pathologist ng ospital na si Dr. Stephanie Abello, mananatiling regular ang operasyon ng ilang department.

Lilimitahan din muna ang pagtanggap ng mga emergency cases. Naglagay na sila ng makeshift tent sa labas para sa mga malubhang emergency cases. Kinausap muna nila ang mga district hospitals na limitahan muna ang referrals sa Western Visayas Medical Center.

Sa tala ng DOH-6 nitong July 14, umabot na sa 64 na health workers at mga frontliners ang nagpositibo sa COVID-19 sa Western Visayas.

Nasa 12 na ang namatay sa rehiyon dahil sa naturang sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.