TIPS: Paano dapat simulan ng millennials ang pagtitipid?

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2019 06:39 PM | Updated as of Jul 16 2019 07:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Suliranin umano ng mga millennials -- o iyong mga pinangananak mula 1981 hanggang 1996 -- ang gumasta nang higit sa sinasahod dahil sa mga luho at gastusin sa pamilya. 

Dahil dito, nahihirapan umano sila na magtabi ng pera para sa kanilang sariling savings pagtanda. 

Nagbahagi sa programang "Sakto" ng DZMM ng tips si Garrett Maralit, isang financial advisor na kilala bilang "The Bright Millennial" sa social media, ng ilang tips para makatipid ang mga millennials. 

Magbalangkas ng formula 

Ipinapayo ni Maralit ang pagbabalangkas ng sariling formula bilang paggabay sa pagtitipid kapag dumating na ang suweldo. 

"Wala siyang single formula for everyone. Meron kasing iba na breadwinner na. 'Yung technique po trial and error para makita kung paano mag-work," ani Maralit. 

Halmbawa aniya rito ay ang "10-20-70" formula o ang "Abundance" formula na ipinayo ng Christian motivational speaker na si Bo Sanchez. 

Sa ilalim ng formula, dapat umanong maglaan ng 10 porsiyento mula sa suweldo para sa tithes o donasyon; 20 porsiyento ang dapat ilaan sa personal na savings; habang 70 porsiyento naman ang inilalaan sa mga gastusin tulad ng mga bill o araw-araw na gastusin. 

'Spend less than what you earn' 

Ayon kay Maralit, mainam na gumasta nang naaayon sa sinasahod para may maitabing pera bilang savings. 

Dapat aniyang maitabi agad ang pera para sa savings para hindi na ito magalaw. 

Dagdag niya, kung kakayanin ay dapat magbukas ng hiwalay na bank account para sa savings. 

You only live once? 

Madalas umanong suliranin ng mga millennials kung dapat bang enjoy-in ang suweldo o dapat ba nilang tipirin ito. 

Ayon kay Maralit, mas mainam na gawin ito nang sabay. 

Paliwanag niya, may mga baqay na hindi na mae-enjoy pagtanda kaya kung maaari aniya ay mabalanse ang paggastos ng pera sa pagtitipid. 

"Sa 'kin kung kaya gawin nang parehas. Ako po kasi, everytime na sumasahod ako, meron akong allocation sa mga gusto ko bilhin," ani Maralit. 

Hindi rin niya ipinapayo ang sobrang pagtitipid o sobrang paglalaan ng pera para sa investments. 

Dapat bang mag-credit card? 

Ayon kay Maralit, kung kakayanin ng bulsa ang paggamit ng credit card ay maaari aniyang mag-apply para rito. 

Pero kung gagamitin ito para bumili online ay dapat kumuha na lang ng hiwalay na account. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.