Preso sugatan matapos barilin ng riding-in-tandem

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2019 06:27 PM

ISABELA CITY, Basilan - Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang isang detainee ng Basilan Provincial Jail matapos barilin ng mga salarin na lulan ng motor sa Barangay San Rafael, Lunes ng hapon.

Nakilala ang biktima bilang si Hail Kamsa Ahamadi, 20 anyos, may kasong murder.

Base sa report ng Police Regional Office 9, nakasakay ang biktima sa sasakyan ng Basilan Provincial Jail kasama ang lima pang preso at limang Jail Guards.

Pabalik na sila ng piitan nang barilin siya ng mga salarin na lulan ng isang motor. Agad tumakas papuntang Sumagdang, Isabela City ang mga suspek.

Hinabol pa ng jail guards ang mga suspek pero hindi na nila ito naabutan.

Nagtamo ng isang tama ng bala sa leeg ang biktima.

Hindi pa nahuhuli ang mga suspek ayon sa pulisya. 

Nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang awtoridad para malaman kung may kaugnayan ang kaso nito sa motibo sa pamamaril sa kaniya.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.