Nagpanggap na tanod kita sa CCTV na nanloob ng bahay

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2019 07:40 PM

Watch more in iWantTFC

Arestado ang isang lalaking nagpanggap umanong barangay tanod matapos mahuling nanloloob sa isang bahay sa Sampaloc, Manila. 

Kinilala ang suspek na si Joaquin Pablito Capulong, na kunwari umanong nag-iinspeksiyon sa isang bahay sa lugar. Suot pa ng suspek ang vest na ginagamit ng mga tanod sa Maynila. 

Sa kuha ng CCTV, makikitang tila nag-iinspeksiyon ang suspek alas-5 ng madaling araw hanggang sa pumasok ito sa bahay na pagmamay-ari ni Dante Santiago. 

"Sinita ko. Sinabihan ako na, 'EX-O tanod ako, hinahanap ko asawa ko.' (Sabi ko) 'hinahanap mo 'yong asawa mo sa bahay namin?'" anang residente. 

Nang magduda si Santiago sa rason ng suspek ay dinala na niya si Capulong sa barangay. 

Nang kapkapan ng mga awtoridad ang suspek ay natagpuan ang tatlong relo, gadget na notepad, mga pliers, screw driver, at isang identification card (ID) ng babae. 

Mangiyak-ngiyak naman ang may-ari ng ID na si Mary Grace Mendoza, na nagmamay-ari ng isa sa mga nanakaw na relo. 

"Talagang nagdasal po ako kagabi na makita po 'yung kumuha sa gamit ko. Tapos may nagpunta pong pulis sa 'min kinabukasan na ginising po ako na ayun po 'yung ID ko," maluha-luhang ikinuwento ni Mendoza. 

Nalaman din na ang vest na suot ni Capulong ay pagmamay-ari ng kaniyang tiyuhin na si Francisco Capulong Jr. 

Ayon kay Police Lt. Ramon Relator, hepe ng Sampaloc Police Investigation Section, magkakaroon ng follow-up operation para matukoy kung sino ang nagmamay-ari ng iba pang mga nakuhang gamit mula sa mga suspek. 

Todo rin ang pagtanggi ng suspek sa mga paratang sa kaniya. 

Kinasuhan na ito ng trespassing at robbery. --Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.