In sickness and in health: Magkasintahan hinangaan sa wagas na pag-iibigan

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2019 08:03 PM

 

Sa kabila ng matinding hamong kinakaharap, hindi bumitiw sa isa’t-isa at sa kanilang pananalig ang magkasintahang Rea at Gabriel Lumanog.

“Kahit gaano kahirap sitwasyon ‘wag sumuko agad. May panginoong Diyos na nakakaalam sa lahat,” sabi ni Gabriel.

Sa katunayan, humarap sila sa dambana Hulyo 14 kasama ang kanilang mga pamilya’t kaibigan sa San Antonio de Padua Church sa Toboso, Negros Occidental.

Agosto ng nakaraang taon nang madiagnose si Rea na may stage 4 gastric cancer.

“Lumalaban siya. Mahirap na ang sitwasyon niya, hirap siyang magsalita ngayon. Hirap siyang kumain, sumusuka pa rin,” sabi ni Gabriel.

Pero kahit mahirap ang kalagayan, gustong patunayan ni Gabriel ang kaniyang pagmamahal kay Rea.

“Siguro dahil sa tunay na pag-ibig at saka ma-eksperyensya niya na kahit papano mahatid siya sa altar ng tunay na lalaki na hindi siya pababayaan," pahayag ni Gabriel.

High school sweethearts silang dalawa. Nagkahiwalay sila nang magtrabaho bilang inter-island seaman si Gabriel at sumabak naman sa ibang bansa si Rea.

Makalipas ang ilang taon ay hinanap ni Gabriel sa Facebook si Rea at muli silang nagkabalikan.

Sa hirap at ginhawa, handa namang tanggapin ni Gabriel kung ano man ang kinabukasan nilang dalawa.

“Wala tayong magawa, diyan tayo lahat papunta kasi," sabi niya.

Sa araw mismo ng kanilang kasal, napaagang dumating sa simbahan si Rea na naka-wheelchair dahil sa sobrang excitement.

Nanghihina man dahil sa chemotherapy, bakas pa rin sa mukha ni Rea ang saya.

Laking pasalamat naman ni Gabriel sa lahat ng tulong na natanggap nilang dalawa para mairaos ang kanilang kasal.

“Wala akong pera, maski piso wala akong gastos tapos yung wedding ring namin yung pinsan ko pa ang bumili. Parang biglaan lang,” sabi niya.

Ang pinsan ni Rea na si Mica Yago ang siyang tumulong sa preparasyon sa kasal. Ang isinuot na wedding dress ni Rea ay mula sa isang kaibigan. Ang wedding cake ay bigay ng isang pinsan, at may ilang mga kaibigan ang nag-ambagan din.

Sabi ni Yago, ibinahagi niya ang larawan ng bagong kasal sa social media dahil gusto niyang maging inspirasyon ang pagiibigan ng dalawa.

“Despite sa sitwasyon nila yung pagmamahal nila sa isa't isa ‘yun yung nagpapakatatag sa kanila lalo na kay manang kasi na feel niya yung pagmamahal ni manong at saka let's not or we shouldn't take our loved ones for granted kasi hindi lahat nabibigyan ng panahon para makasama yung mahal nila sa buhay," sabi ni Yago.

Umaapela naman si Gabriel na matulungan siyang maipatingin pa sa espesyalista ang asawa sa paghahangad niyang magawa ang lahat para sa kabiyak.

“Sana mapatingnan siya sa espesyalista kasi yung dalawang paa niya lumaki na. Yung kaliwang paa ang unang lumaki hanggang sa dalawa na. Yung kidney niya parang may acute injury na po. Hirap din siyang makaihi. Sabi ng duktor doon sa Bacolod nag-spread out na [ang cancer],” sabi niya Gabriel.

Gaano man kahirap at kahit pa batid na walang katiyakan, nananatiling positibo si Gabriel para sa kaniyang nag-iisang “Braddie,” ang tawagan nila sa isa’t-isa.

“Brad, palangga ta ka kaayo brad. Kahit basi may milagro kag mawala na imong sakit brad, kun indi man ta pwede diri basi sa laing kinabuhi kita magkita brad," sabi ni Gabriel.

(Brad, mahal kita. Baka may milagro pa na mangyayari at mawala ang sakit mo. Kung hindi man tayo tatagal, magkita pa rin sa tayo balang araw.)

Hindi nawawalan ng pag-asa si Gabriel na gagaling si Rea lalo na’t marami siyang plano para sa kanila.

“Magpagaling ka kasi gagawa pa tayo ng pamilya, magkakabahay,” sabi niya. – May ulat ni Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.