Ilang senador kontra sa posibleng pagkalas ng PH sa UNHRC

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2019 09:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang senador ang tumutol sa umano ay plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumalas sa United Nations Human Rights Council (UNHRC).

Ito ay matapos manalo ang resolusyong itinutulak ng Iceland para i-review ng UNHRC ang mga sinasabing kaso ng extrajudicial killings sa Pilipinas.

Ayon kay Sen. Imee Marcos, mababaligtad pa ng Pilipinas ang desisyon ng UNHRC kung maipapakita lang ang mga programa ng gobyerno sa gitna ng kampanya kontra droga.

Sabi ni Marcos, Pilipinas ang matatalo kung kakalas ito sa UNHRC.

"Mas kinakailangan natin na talagang may makikinig sa atin, mayroon tayong plataporma, mayroon tayong venue para makapagsalita," ani Marcos.

Maging si Sen. Panfilo Lacson ay ipinunto ang kalauna'y pagiging mag-isa ng Pilipinas kung panay kalas nito sa mga grupo ng United Nations.

"At the rate we are withdrawing from the UN bodies, it could only be a matter of time when we will be left to our own devices," sabi ni Lacson sa tweet.

"We may not know when, what and how, but being a developing country, we may need to ask for help from the community of nations sooner or later," ani Lacson.

Sa kaniyang social media account, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na maliit na bagay lang ang UNHRC vote.

"UNHRC vote is a small and harmless matter," ani Locsin.

Hindi rin daw kakalas ang Pilipinas sa relasyon sa ibang bansa dahil kapag nangyari ito, hindi na makakaresbak ang Pilipinas sa insultong tinanggap nito.

"We're not severing diplomatic relations with any country. If we did, where's the conversation? How do you insult those who insulted us if you cut them off?" anang kalihin.

Sa gitna ng usapin sa UNHRC, naghihintay lang si Trade Secretary Ramon Lopez sa pag-usad ng bagong trade agreement sa European Union (EU).

"We're just hopeful that the EU will act independently," ani Lopez.

Dalawang taon nang nakatengga ang kasunduan dahil sa umano ay mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas na ikinaalarma ng EU.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.