Dengue cases sa Zamboanga City umakyat sa alert level

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2019 01:43 AM

ZAMBOANGA CITY—Umakyat na sa alert level ang dengue cases sa Zamboanga City.

Ayon kay Dr. Dulce Amor Miravite, health officer ng siyudad, umabot ng 845 ang bilang ng dengue cases sa buwan ng Hunyo. Mas mataas ito kung ikukumpara sa alert threshold level na 536 cases.

Pero hindi pa inirerekomenda ni Miravite na magdeklara ng dengue outbreak sa Zamboanga City dahil hindi pa naman umabot ang bilang ng kaso sa outbreak threshold level.

Labinsiyam na ang namatay sa siyudad dahil sa dengue mula Enero hanggang Hunyo nitong taon.

Karamihan dito ay mga menor de edad, kung saan ang pinakabata ay nasa 5 buwan pa lamang.

Labindalawa sa mga namatay sa dengue ay babae at 7 naman ang lalaki na karamihan ay dinala sa mga pampublikong ospital.

Umabot na sa higit 2,000 ang dengue cases sa buong lungsod sa unang 6 na buwan nitong taon.

Mas mataas ito kung ikukumpara sa total number of dengue cases sa buong taon ng 2018 na umabot lang sa 1,995 na kaso.

Ayon kay Miravite, lalo nilang pinapaigting sa ngayon ang cleanup drive sa mga barangay at paaralan kung saan mataas ang kaso ng dengue.

Nagsasagawa rin sila ng fogging operation, pero mas epektibo pa rin ang pagpuksa sa mga breeding place ng dengue-carrying mosquito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.