Cocomet: Helmet na gawa sa buko , pamproteksiyon sa sakuna

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2019 06:57 PM | Updated as of Jul 16 2019 07:12 PM

Nakaisip na gumamit ng bunot ang mga mag-aaral at guro ng Luba Elementary School bilang helmet sa sakuna. Micaella Ilao, ABS-CBN News


LUBA, Abra – Maparaan ang mga estudyante at guro sa Luba Elementary School dahil ang mga bunot o coconut husk hindi lang sa sahig ginagamit; ginawa rin nila itong pamproteksiyon sa ulo kapag may sakuna.

Nag umpisa silang gumawa nito noong nakaraang taon.

“Nag-start ito nung aming division coordinator nag-suggest na magpagawa kami ng ganitong headgear upang sa ganun may magagamit yung mga bata na ‘di lang aklat ang kanilang gagamitin at marami rin sa amin dito ang niyog or yung coconut,” ayon kay Emilia Garcia, punong-guro ng paaralan.

Tinawa nila itong coco helmet o Cocomet.

Ayon sa Schools Division Superintendent ng Abra, maganda ang ideya ng paaralan. Wala naman pondo ang Department of Education-Abra para sa headgear ng mga bata.


“Sa totoo lang, walang ganyang pondo kaya madalas inisyatibo na lang ito ng mga principal o school heads para magkaroon ng ganun,” ayon kay Amador Garcia, Schools division superintendent ng Abra.

Pinapayuhan na rin ang ibang paaralan sa lalawigan na gayahin ang paggawa ng sariling cocomet.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.