Bloodletting drive para sa mga pasyente ng dengue, inilunsad sa Iloilo

Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2019 11:42 AM

ILOILO CITY - Naglunsad ng bloodletting drive ang lokal na pamunuan ng lalawigan ng Iloilo Martes ng umaga para masuportahan ang mga pasyenteng may dengue na maaaring mangailangan ng dugo.

Unti-unti nang dumarami ang mga nagpapakuha ng dugo bilang suporta sa kampanya na makalikom ng 70 bags sa bloodletting project na ito.

Kabilang sa mga nagbahagi ng kanilang dugo ay mga empleyado ng kapitolyo, mga pulis, at mga aplikante ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP). Nag-donate din ng dugo si Iloilo 3rd District Representative Laurence Defensor.

Ang bloodletting ang paraan ng lokal na pamahalaan para makatulong sa mga pasyente ng dengue na nangangailangan ngayon ng dugo.

Tumaas na ng 901 porsyento ang bilang ng kaso ng dengue ngayon taon kumpara noong 2018.

Umabot na sa mahigit 5,300 ang kaso ng dengue sa lalawigan at 20 sa mga ito ang namatay mula Enero hanggang Hulyo 6 ngayong taon.

Samantala, magpupulong naman ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council para pag-usapan ang napipintong pagsasailalim sa state of calamity sa Iloilo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.