ALAM MO BA? Bello sinagot ang mga tanong tungkol sa security of tenure

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2019 12:51 PM | Updated as of Jul 16 2019 01:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinagot ni Labor Secretary Silvestre Bello III nitong Martes ang ilang tanong patungkol sa kampanya para maiwasan ang labor-only contracting.

Ipinapanukala sa Kongreso ang Security of Tenure bill, na layong wakasan ang "labor-only contracting" sa ilang kompanya.

Sa batas, inaayos ang mga trabahador sa apat na klase: regular, probationary, project-based and seasonal.

SEASONAL WORKERS

Iginiit ni Bello sa panayam sa DZMM na dapat i-regular ang mga seasonal workers - o iyong hina-hire lamang tuwing holiday season.

Tugon ito sa tanong ng isang empleyado na 10 taon nang nagtatrabaho bilang seasonal worker sa mall pero itinuturing pa ring contractual.

"Dapat regular sila... Ang importante po roon ay regularity (ng kanilang trabaho)," ani Bello.

REAL ESTATE SALES AGENT

Ayon naman kay Bello, maaaring pasok sa "project-based" ang mga real estate agents. Nagtatagal lang ang employment ng isang project-based employee hanggang matapos ang kaniyang proyekto.

Paliwanag niya, nakasalalay kasi ang trabaho ng mga real estate agent sa mga mabebenta at ipapatayong mga bahay o lupain.

"Kung ano yung mabenta naka depende sa kanilang (napapatayo)," ani Bello.

PRODUCTION COMPANY

Ayon naman kay Bello, hindi dapat nakasalalay ang pagka-regular ng isang tao sa bilang ng kaniyang mapo-produce na produkto.

"Wala naman sa batas na 'yung employment mo will depend on the production of the company. Basta ikaw regular you’re entitled to all the benefits of a regular employee," ani Bello.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, tinatayang nasa 1.19 milyon ang mga trabahador na hindi regular noong 2016.

Naunang sinabi ni Bello na may mga kailangan pang linawin si Pangulong Rodrigo Duterte bago lagdaan ang Security of Tenure bill.

Inaasahan aniya ang anunsiyo tungkol sa panukala bago ang State of the Nation Address ni Duterte sa Hunyo 22.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.