2 pulis-Pasig, police asset, timbog sa pangingikil

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2019 05:23 PM | Updated as of Jul 16 2019 07:37 PM

Watch more in iWantTFC

Inaresto noong gabi ng Lunes sa Pasig City ang 2 pulis at isang police asset matapos umanong mangikil sa isang sibilyan.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek bilang sina Police Cpl. Roy Duman-ag, Patrolman Pat Velardo, at ang police asset na si Janus Francisco.

Hinuli ang 3 matapos dumulog sa pulisya si alyas "Randy" na umano ay tinangayan nila ng P850 at wedding ring.

Hinarang ng mga suspek si "Randy" bandang alas-9:30 ng gabi ng Lunes sa M. Eusebio Avenue, Barangay San Miguel.

Tinakot umano ang biktima na aarestuhin siya sa kasong droga bago kuhanin ng mga suspek ang kaniyang mga gamit.

Kapwa nakatalaga sa drug enforcement unit ng Pasig City Police Station ang 2 pulis.

Nagkasa ng 3 buy-bust operation ang mga kasamahan ng mga suspek noong gabi ng Lunes, na sinamantala nila sa paggawa umano ng sariling lakad.

Sinibak na sa puwesto ang 2 pulis na, kasama ni Francisco, nahaharap sa kasong robbery hold-up.

Mahaharap din ang 2 pulis sa kasong administratibo na grave misconduct na magiging dahilan para masibak sila sa serbisyo.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.