2 patay sa panloloob sa ukay-ukay sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2019 01:15 PM

Dalawang tao ang nasawi sa pamamaril nang looban ang isang ukay-ukay sa Barangay Upper Bicutan, Taguig City noong gabi ng Lunes.

Kinilala sa ulat ng Southern Police District (SPD) ang mga biktima bilang sina Girlie Gacer, 49 anyos at may-ari ng ukay-ukay, at Marlo Landreza, 54 anyos at kawani ng Taguig City Hall.

Bandang alas-9:10 ng gabi pinasok ng 2 lalaking suspek ang ukay-ukay sa may Maharlika Road.

Binaril ng mga suspek ang mga biktima bago tinangay ang sling bag ni Gacer na naglalaman ng kita ng tindahan, ayon sa ulat ng SPD.

Nakuhanan ng closed-circuit television ng barangay ang 2 suspek na papunta sa direksiyon ng Sitio Imelda Street, bitbit ang sling bag ni Gacer.

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang mga suspek. -- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.