12 tiklo sa droga sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2019 04:29 AM

MAYNILA—Arestado ang 12 katao sa 2 hinihinalang drug den sa Barangay Olympia, Makati City Lunes ng gabi.

Ayon kay Vlain Canlas, tagapagsalita ng Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region (PDEA-NCR), isinagawa ang operasyon alas-7 ng gabi sa bisa ng search warrant.

Unang sinalakay ng mga tauhan ng PDEA ang bahay nina alyas Elbi at alyas Buwaya na pawang nasa watch list ng ahensiya. 

Nasamsam sa kanila ang 18 sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 10 gramo. Timbog rin ang 3 nilang kasamahan.

Samantala, nakumpiska naman ang nasa 15 sachet ng hinihinalang shabu at 24 na sachet ng hinihinalang marijuana mula sa isa pang drug den. 

Nalambat rin ang target ng PDEA na si alyas Inday at 6 sa kaniyang mga kaanak at parokyano.

Ayon sa PDEA, ang 2 grupo umano ang nagbabagsak ng droga sa mga tricycle at pedicab drivers sa nasabing lugar.

Tinatayang nasa P185,000 ang halaga ng mga nakumpiskang droga.—Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.