Maaari bang tumestigo ang asawa laban sa kaniyang kabiyak?

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2017 09:59 AM | Updated as of Jul 16 2017 03:24 PM

Tiwala at pagmamahal ang pundasyon sa relasyon ng mga mag-asawa. Kaya naman, kinikilala ng batas ang tiwalang nabubuo ng mag-asawa sa kanilang relasyon.

Sa programang 'Usapang de Campanilla' ng DZMM, ipinaliwang ni Atty. Noel del Prado na hindi maaaring magamit laban sa kabiyak ang lahat ng mga bagay na pinag-uusapan ng mag-asawa sa konteksto ng tiwala at kanilang relasyon.

"Kahit anong pinag-uusapan ninyo [mag-asawa], iyong mga nangyari sa inyo bago kayo ikasal, habang ikinakasal, at pagkatapos nito, lahat nito ay parang ipinapasok niyo sa isang 'joint account'. Hindi puwedeng mag-withdraw ang tig-iisa lamang. Dapat pareho kayong nakapirma," ani Del Prado.

Sa ilalim ng batas o ng tinaguriang 'marital privilege', kapag masangkot ang kabiyak sa isang ilegal na gawain at maimbitahan ang asawa niyang magbigay ng pahayag, hindi siya maaaring puwersahin ng awtoridad na magbigay ng testimonya laban sa kabiyak.

Pero ibig sabihin din nito, maaaring tumanggi ang asawa na tumestigo kahit pa magiging pabor ito sa kaniyang kabiyak.

Hindi maaaring magamit laban o pabor sa asawa ang lahat ng kanilang napag-usapan at nalalaman sa loob ng relasyon.

Maaari lang magamit ang mga napag-usapan o nalalaman kung ang mag-asawa mismo ang mag-aaway o magkaroon ng 'conflict'. Halimbawa, kung magsasampa ng annulment, maaaring magamit ang lahat ng nalalaman ng asawa laban sa kaniyang kabiyak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.