Lalaking nakikipag-away sa misis nahulihan ng di lisensiyadong baril

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2017 06:56 PM

MAYNILA - Arestado ang isang dating murder suspect matapos mahulihan ng di lisensiyadong baril sa Arellano Street, Malate, Maynila, Linggo.

Kinilala ang suspek na si Abelito "Tata" Ortuyo na nakuhanan ng 9-mm na baril ng mga rumorondang pulis bandang 3 a.m.

Bago ito, inireklamo muna sa pulis si Ortuyo ng isa niyang kaanak matapos umano itong marinig na nakikipag-away sa misis. Narinig din umano ng nagrereklamo ang pagkasa ng suspek ng baril.

Nadatnan ng mga pulis si Ortuyo na nakasuot ang baril sa kanyang shorts.

Ayon sa pulisya, dati nang sumuko sa Oplan Tokhang ang suspek. 

Nakapagpiyansa na rin siya noon para sa mga kasong physical injury, at nasangkot sa magkahiwalay na kaso ng murder at frustrated murder na hindi tinuloy ng mga complainant.

Nasa kustodiya na ng Malate Police Station 9 si Ortuyo, na haharap sa mga kasong grave threats at possession of illegal firearms and ammunition.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.