Lalaki, patay sa pamamaril sa Marikina

Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2017 08:35 AM

MANILA - Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin kaninang madaling araw sa Fortune Avenue, Brgy. Fortune, Marikina City.

Kinilala ang biktima na si Orlando Lagunoy Jr alyas Boying.

Napagalaman din na matagal na umanong hinihimok ng barangay ang biktima na sumuko dahil sa paggamit ng ilegal na droga.

Ayon sa tauhan ng barangay na si Danilo Gamban, bandang 5:00 AM nang maganap ang pamamaril.

Hinabol umano ng hindi pa malamang bilang ng mga suspek ang biktima mula sa loob pa lamang sa looban ng Bonanza Phase 1 hanggang sa tuluyang makorner dito sa isang bakanteng lote sa Fortune Avenue.

Labing apat na basyo ng bala din ang natagpuan sa lugar.

Wala pang makapagsabi kung sino o ilan ang mga suspek sa likod ng pamamaril, ngunit hinala ng mga residente, maaaring lulan ang mga ito ng isang sasakyang nakitang umaaligid sa lugar kaninang madaling araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.