Dating bodyguard ng alkalde, patay sa buy-bust sa Pampanga

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2017 06:49 PM

Isa sa dalawang drug suspect na napatay sa buy-bust operation sa Bacolor, Pampanga. Trisha Mostoles, ABS-CBN News

PAMPANGA - Patay ang dalawang lalaki nang makipagpalitan umano ng putok sa mga pulis sa buy-bust operation sa Cabetican, Bacolor, Linggo ng madaling araw.

Kinilala ang mga suspek na sina Denmark Jay Mungcal, 20; at si Rosby de Leon, 45, dating bodyguard ng alkalde ng bayan ng Guagua na si Dante Torres.

Isa sa dalawang drug suspect na napatay sa buy-bust operation sa Bacolor, Pampanga. Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Narekober sa mga suspek ang 32 sachet ng hinihinalang shabu, 2 sachet ng marijuana, isang kalibre .45, at isang rifle na napag-alamang pag-aari ng alkalde. 

"Kinuha niya sa 'kin 'yun. Sabi niya papalinis lang niya. Di na niya binalik simula noon," giit ni Mayor Torres nang tanungin tungkol sa nasamsam na armas kay De Leon.

Hinihinalang shabu na nakuha mula sa dalawang drug suspect na napatay sa buy-bust operation sa Bacolor, Pampanga. Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Ayon naman kay Torres, matagal na siyang walang koneksiyon sa dati niyang bodyguard dahil sa umano'y "misconduct" na ginawa nito noong Disyembre 2016.

Giit pa niya, wala siyang alam sa mga ilegal na transaksiyon ni De Leon. Handa naman umanong sumailalim sa imbestigasyon si Mayor Torres para linisin ang kanyang pangalan.