PatrolPH

3 tulak ng shabu, arestado sa Taguig

Hajji Kaamino, DZMM

Posted at Jul 16 2016 08:10 AM

MANILA - Hindi na nakapalag pa ang tatlong hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na droga matapos maaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) sa ML Quezon Road sa Bagumbayan, Taguig City, Sabado ng madaling araw.

Kinilala ang mga suspek na sina Ernesto Evangelista na siyang target sa operasyon, live-in partner nito na si Jocelyn Osorio, at pamangkin na si Maynard Reyes.

Ayon kay Police Chief Inspector Jerry Amindalan, hepe ng Taguig SAID, dalawang buwan nilang minatyagan ang kilos ng mga suspek, at nitong Sabado ng madaling araw ay bumili ang asset ng shabu sa halagang P3,000.

Dagdag pa ni Amindalan, nasa watchlist ng Taguig Police si Evangelista at kadalasang mga taga-Bagumbayan rin ang kanyang mga parokyano.

Narekober mula sa mga suspek ang anim na sachets ng hinihinalang shabu na may street value na aabot sa P75,000, siyam na bala, isang kalibre .38 na baril at ilang drug paraphernalia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.