PatrolPH

Pulis na nagpasuso ng sanggol ng iba may hiling para sa pamilya ng bata

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2021 05:45 AM | Updated as of Jul 15 2021 06:48 AM

MAYNILA—Hiling ni Police Cpl. Lady Lee Berganio na matulungan ang pamilya ng sanggol na kaniyang pinasuso matapos itong umiyak nang iwan sandali ng ina sa bayan ng Dao, Capiz.

Ayon kay Berganio, na mayroong 6 na buwang sanggol, nakita niya ang kaniyang anak sa sanggol kaya niya pinasuso nang umiyak ito.

"Naawa talaga ako noong nakita ko talaga na umiiyak ang bata, kasi may bata rin ako. May sanggol din," kuwento niya sa panayam sa Teleradyo nitong Miyerkoles.

"Nu'ng tumahan naman siya, tumahimik, kaya happy naman ako."

Kuwento ni Berganio, 18 anyos ang ina ng sanggol na si Baby Ryle. Umuwi umano ito saglit dahil may kukuhanin sa kanilang bahay, ngunit umiyak ang sanggol habang wala ito.

Dagdag ni Berganio, hirap ang buhay ng pamilya ng sanggol, kaya nagdesisyon din silang gawin itong benepisyaryo ng "Bahaynihan" Project ng second Capiz Provincial Mobile Force Company.

Ayon pa kay Berganio, hindi rin niya inaasahan ang nangyari sa kaniya. Hiling niya ngayong matulungan ang pamilya ng sanggol.

"Parang andoon 'yung baby ko. Parang baby ko na rin. Happy talaga ako. Unexpected din 'yung nangyari sa akin," aniya.

Maaari ipadaan kay Berganio ang anumang donasyon para sa pamilya sa pamamagitan ng kaniyang GCash account na may numerong 09672241496.

Watch more on iWantTFC

Maraming humanga kay Berganio matapos kumalat ang mga retrato niya habang nagpapasuso kay Baby Ryle.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.