PatrolPH

Pagpasok ng Delta variant posibleng di mapigilan: DOH

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2021 07:22 PM

Watch more on iWantTFC

Hindi nawawala ang posibilidad na makapasok sa Pilipinas ang Delta variant ng COVID-19, na ngayo'y kalat na sa maraming bansa, ayon sa Department of Health.

Gayunman ginagawa umano ng pamahalaan ang lahat para mapaghandaan ito.

"Kailangan ang sambayanan ay alam ang posibilidad na maaari at dadating tayo doon sa punto na papasok at papasok itong Delta variant dito sa atin, pero ang importante handa na tayo," ani Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire.

Sa Southeast Asia, ramdam na ang napakatinding epekto ng Delta variant, partikular sa Malaysia at Indonesia.

Dahil sa patuloy na pagkalat ng variant, iginiit ng infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante ang kahalagahan ng mahigpit na travel restrictions.

"We really have to have that border control. Border control should also include 'yong sa dagat at sa ibang pamamaraan na makapasok dito sa Pilipinas," ani Solante.

Pinalawig pa ng Pilipinas noong Miyerkoles ang travel ban sa mga biyahero mula sa ilang bansa para maiwasan ang pagkalat ng Delta variant dito.

Base sa mga ulat sa ibang bansa, nakapasok ang Delta variant sa kanila dahil sa pagluwag ng mga biyahe.

Kung tuluyang makapasok sa mga komunidad ang Delta variant, hindi kakayanin ng health care system ng Pilipinas ang mala-Indonesia na sitwasyon, ani Solante.

Ayon din sa OCTA Research Group, hindi na kuwestiyon kung makakapasok ang Delta variant sa bansa kundi kailan.

Sa ngayon, nakikita ng grupo ang tumataas na kaso ng COVID-19 sa Cebu City at Lapu-Lapu City na may reproduction number na 1.37 at 1.80.

Mataas din umano ang reproduction number ng Mariveles, Bataan na 2.23 na.

Sa National Capital Region, nananatiling mas mababa sa 1 ang reproduction number.

Ngayong Huwebes, nakapagtala ang Pilipinas ng 5,221 dagdag na kaso ng COVID-19 para sa kabuuang 1,490,665 kumpirmadong kaso, kung saan 45,495 ang active cases o may sakit pa rin.

— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.