PatrolPH

Mga maliliit na negosyo malapit sa Taal Volcano dumadaing

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2021 08:11 PM

Mga maliliit na negosyo malapit sa Taal Volcano dumadaing 1
Dumadaing ang ilang maliliit na negosyo malapit sa Bulkang Taal sa pagpapanatili ng bulkan sa Alert Level 3. 

BATANGAS - Pinoproblema ni Yolly Vidal ang pagtumal ng kita ng lomihan na dati'y malakas ang benta. 

Simula kasi nang itaas ang Alert Level 3 sa Bulkang Taal ay madalang na ang mga turistang nagtutungo sa Fantasy World na katapat lang ng kaniyang tindahan. 

"Noong dalawang sunod linggo eh bumenta na kami ng P7,000 'pag araw ng Linggo eh balik na naman po sa P2,000, P1,500, dahil nga po walang tao, natakot sa bulkan, daing na po talaga, mahirap po talaga ang kumita ng pera," ani Vidal. 

Masuwerte naman kung makabenta ng P200 kada araw si Larry Villela sa panindang panutsa at iba pang mga kakanin. 

Dating umaabot sa P1,000 ang kaniyang benta. 

"Hirap-hirap na sa pagbebenta, walang nadating na turista gawa ng natatakot sa bulkan. Kulang na kulang po sa pamilya," ani Villela. 

Dahil sa paghina ng benta, maraming mga tindahan sa tapat ng mga pasyalan ay huminto muna. 

"Mag-uusap muna kami ng barangay captain, 'yung iba kasi diyan hind taga-diyan, dayo din, eh di papupuntahan ko sa MSWD (Municipal Social Welfare and Development office) namin at i-interview-hin sila para kung ano talaga ang sitwasyon nila diyan," ani Lemery Mayor Larry Alilio. 

Mananatili pa rin sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal, ayon sa Phivolcs. 

"May naire-record pa rin tayo mga volcanic earthquakes, tremors, sa mga nakaraang araw although past 2 days medyo mababa ang bilang pero sa ngayon mataas pa rin ang level ng unrest ng Taal Volcano," ani Phivolcs Taal Volcano Observatory resident volcanologist Paolo Reniva. 

Ang mga nakikitang paglabas din ng usok sa iba't ibang parte ng Bulkang Taal ay galing sa mga vents o butas na nalikha dahil sa pagputok ng bulkan noong 2020.

Sa ngayon, nananatili ang babala ng Phivolcs na bawal ang mga tao sa mga barangay na sakop ng 7-kilometer radius danger zone. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.