PatrolPH

Paggamit ng ABS-CBN frequencies para sa distance learning isinusulong

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2020 03:56 PM | Updated as of Jul 15 2020 07:03 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Nais ng isang mambabatas na gamitin ang mga dating radio at TV frequencies ng ABS-CBN sa distance learning o iyong paghahatid ng aralin sa mga estudyante sa bahay sa pamamagitan ng telebisyon at radyo.

Inihain ngayong Miyerkoles ni Deputy Speaker Lray Villafuerte ang House Resolution No. 1044 na nananawagang ipagamit sa gobyerno ang dating frequencies ng Kapamilya network dahil nga hindi puwedeng magklase sa mga paaralan ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Ayon sa resolusyon, dapat gamitin ang mga nakatenggang frequency para hindi mabakante ang mga mag-aaral.

Sa kaniyang Instagram, dinagdag ni Villafuerte na puwede ring mag-partner o kaya naman upahan ng gobyerno ang mga pasilidad ng ABS-CBN, at kuhanin ang serbisyo ng mga mangagagawa.

Binabalangkas na ng Department of Education kung paano isasalin para sa telebisyon at radyo ang mga lesson na pang-classroom.

Ayon kay Education Secretary Nepomuceno Malaluan, bagaman gagamit sila ng TV at radio, lumabas sa survey na mas gusto ng mga magulang ang printed at digital module, at virtual conference platforms.

Hindi rin daw puwedeng ituro sa pamamagitan ng TV at radyo ang mga lesson sa lahat ng grade level.

"Not for all but only in certain select competencies and probably grade levels... It also takes time to write the script, to prepare it in the video format... Magiging supplemental lang siya," ani Malaluan.

Ayon kay Villafuerte, mahirap at mabigat ang desisyon nila ng 70 kongresista na huwag nang bigyan ng bagong prangkisa ang network.

Mali rin daw na purihin ang 11 pumabor sa network at batikusin silang 70 na nanindigan lamang sa findings sa nagdaang 13 pagdinig tungkol sa prangkisa ng network.

Pinayuhan niya ang mga kritiko na basahin ang ulat ng technical working group.

Pero pinabulaanan ni Albay Rep. Edcel Lagman ang mga pahayag ni Villafuerte.

Nanindigan si Lagman na personal at politika ang dahilan kaya walang prangkisa ang ABS-CBN.

Maliwanag din daw na sinabi ng mga ahensiya ng gobyerno na walang nilabag na batas ang ABS-CBN.

Nanindigan naman si Presidential Spokesperson Harry Roque na labas ang Pangulong Duterte sa nangyari sa ABS-CBN kahit pa muling bumanat ang chief executive sa network sa talumpati sa Jolo.

Noong Biyernes, pinatay ng House committee on legislative franchise ang aplikasyon ng ABS-CBN Corp. para sa panibagong 25-year franchise.

Sa 85 lumahok sa botohan, 70 kongresista ang pumabor na aprubahan ang resolusyon na nagrerekomendang huwag bigyan ng bagong prangkisa ng ABS-CBN.

Labing-isa naman ang kumontra sa rekomendasyon ng technical working group o pabor na bigyan ng prangkisa ng ABS-CBN.

Sa pagsasara ng ABS-CBN, nangangambang mawawalan ng trabaho ang maraming empleyado ng kompanya. -- Ulat nina Zandro Ochona, RG Cruz at Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.