Pulis nagpositibo sa coronavirus sa Davao City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2020 10:37 PM | Updated as of Jul 15 2020 11:17 PM

DAVAO CITY - Kinumpirma ng Davao City Police Office nitong Miyerkoles na nagpositibo sa COVID-19 ang isa sa kanilang mga tauhan.

Ito ang pinakaunang kaso ng coronavirus sa DCPO.

Ayon sa DCPO, unang na-admit sa isang pribadong ospital ang pulis dahil sa mataas na lagnat at mababang platelet count at kalaunan ay nirefer sa Southern Philippines Medical Center at isinailalim sa swab test dahil na-assign siya sa high risk area.

Ayon kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, nahawaan ang pulis dahil sa exposure nito sa pagpatrolya sa Barangay 23-C na ni-lockdown dahil marami ang nagpositibo sa sakit.

"Bukod doon sa mga na-random test, iyong mga na-close contact niya, lalo na 'yong kasamahan niya sa unit isinailalim ngayon sa quarantine. 'Di na pinayagan makalabas sa kampo," ani Police Cpt. Rose Aguilar, spokesperson ng DCPO.

Nagsagawa na ngayon ng decontamination sa headquarters ng DCPO.

Bukod sa isang pulis, sinabi rin ni Duterte-Carpio na isang empleyado sa city government ang nagpositibo matapos ma-expose sa COVID-19 patient sa quarantine facility. Ang doctor consultant ng COVID-19 sa siyudad ay nagpositibo rin sa sakit.

Simula Marso hanggang Hulyo, 56 na mga healthworkers ang nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.