PatrolPH

Nasa 20M learners naitala ng DepEd para sa parating na pasukan

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2020 03:22 PM | Updated as of Jul 15 2020 08:05 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Nasa 20 milyong mag-aaral sa pribado at pampublikong paaralan sa bansa ang nakapag-enrol na para sa darating na pasukan.

“Sa kasalukuyan, meron na tayong 20 million na nagpatala, nag-enrol. Ito po ay 71 percent ng ating previous enrollment,” pahayag ni DepEd Undersecretary Jesus Mateo ngayong Miyerkoles.

Ayon kay Mateo, kung ang pagbabasehan ay ang kanilang projected enrollment para sa 2020-2021, nasa 91 percent na ito. 

“Yung total 71 percent, kung pagbabasehan natin school year 2019-2020. Pero kung pagbabasehan natin yung projected enrollment natin ngayong school year na 2020-2021, nasa 91 percent na po,” sabi ni Mateo sa panayam sa TeleRadyo.

Aniya, nagsimula ang enrollment noong Hunyo at magtatapos ito ngayong araw ng Hulyo 15. 

“Kung ang ibang mga magulang nagbago ng isip, gusto nilang papasukin ang kanilang mga anak, meron naman tayong patakaran tungkol sa mga late enrollees po. May policy tayo na tinatanggap yung mga late enrollees," ani Mateo.

Paliwanag niya, taon-taon din ay nagsasagawa ng early registration ang kagawaran sa buwan ng Enero.

“Kaibahan lang nung January, ang tinutukan lang natin Kinder, Grade 1 at Grade 7 at Grade 11. Pero dahil sa pandemya, minarapat natin na magkaroon ulit ng enrollment para ma-validate natin na yung dating mga estudyante ay papasok pa rin,” sabi niya. 

Ang enrollment nitong Hunyo ay ginawa nang dalawang linggo, at ang registration para sa mga nakatira sa mga malalayong lugar ay ginawa gamit ang tawag at text sa cellphone, kiosk at dropbox. 

Mag-uumpisa ang klase sa pampublikong paaralan sa Agosto 24 habang maaring magsimula nang mas maaga ang mga pribadong paaralan na aprubado ng kagawaran. 

Dahil sa pandemya, idadaan sa online platforms ang klase at gagamit din ng printed at digital modules, telebisyon at radio. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.