Mga pulis na dawit sa Sulu shooting tumangging magbigay ng pahayag sa NBI

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2020 02:35 PM | Updated as of Jul 15 2020 07:57 PM

Dumulog sa tanggapan ng National Bureau of Investigation ngayong Miyerkoles ang 9 pulis na dawit sa pagpatay sa 4 sundalo sa Jolo, Sulu noong Hunyo. ABS-CBN News

MAYNILA — Tumangging magbigay ng paliwanag sa National Bureau of Investigation ang 9 na pulis na dawit sa pagpaslang sa 4 na sundalo sa Jolo, Sulu.

Nagpunta ngayong Miyerkoles ang mga pulis sa tanggapan ng NBI, na nagsasagawa ng imbestigasyon sa krimen.

Pero tumanggi munang magbigay ng pahayag ang mga pulis para sa imbestigasyon at sa halip ay magsusumite na lang ng counter affidavit kapag nakasuhan na, ayon kay Antonio Pagatpat, deputy director for regional services sa NBI.

Watch more in iWant or TFC.tv

Tatlo sa mga pulis ay galing sa drug enforcement unit ng Sulu police habang ang iba ay taga-Jolo police.

Napatay noong Hunyo 29 ang 4 na sundalo matapos umanong maka-engkuwentro ang mga pulis sa Jolo.

Sa police report, sinita ng mga pulis sa checkpoint ang SUV na sinasakyan ng mga sundalo, na noo'y may hinahanap na 2 suspected suicide bomber mula sa Abu Sayyaf group. 

Inimbitahan umano ang 4 na sundalo sa Jolo Municipal Police Station para sa beripikasyon subalit humarurot paalis ang mga ito at kalaunan ay bumunot ng baril kaya pinaputukan ng mga pulis.

Pinabulaanan naman ng Army ang ulat ng pulisya at sinabing sumunod ang mga sundalo nang patigilin at bigla na lamang pinagbabaril.

Ayon kay Moises Tamayo, hepe ng NBI-Western Mindanao regional office, hindi pa malinaw kung bakit sinundan ng mga pulis ang sasakyan ng mga sundalo na nakita sa CCTV.

Isa pang salaysay ng isang testigo ang hinihintay umano ng NBI para idagdag sa kanilang report.

Sinisikap ng NBI na masumite sa Department of Justice ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa Biyernes. Kasama na rin ang kanilang rekomendasyon kung sino ang mga kakasuhan at ano ang mga ikakaso.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.