Libreng COVID drive-thru testing center binuksan sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2020 05:46 PM | Updated as of Jul 15 2020 07:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Binuksan ng lungsod ng Maynila ang kauna-unahang drive-thru coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing center nito na maaring puntahan maging ng mga hindi residente ng lungsod. 

“Ang mga tao na nagmamaneho ay maaring dumako dito sa may Kartilya ng Katipunan sa Lawton. Bubuksan po natin ito(for) everyone,” pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno sa panayam sa ABS-CBN TeleRadyo Miyerkoles ng umaga. 

Hindi aniya kailangang bumaba sa kanilang sasakyan ang magpapa-test. 

“Talagang literal na drive-thru. Para ka lang umu-order ng burger. Gusto niyo isama niyo pamilya niyo para mapanatag kayo, sa isang sasakyan kayo,” sabi ng alkalde. 

Ayon kay Moreno, ang bagong makinang kanilang binili na susuri sa kokolektahing dugo ay 99.6 percent specificity at 100 percent sensitivity. 

Watch more in iWant or TFC.tv

“Mawawala po yung pangamba na false positive at false negative,” sabi niya. 

Libre itong iniaalok sa lahat. May sasagutan lamang na form na ang mga ibibigay na detalye ay poprotektahan naman ng city government. 

“Para magkaroon lang kayo ng peace of mind. Whether you are asymptomatic o nakakaramdam ng symptoms o wala lang, meron ka lang pangamba, at least peace of mind, through the effort of this city, maibigay man lang namin sa inyo,” sabi ni Moreno. 

Ang testing, paliwanag niya, ay “next to gold standard”. Lalabas umano ang resulta ng test sa loob ng 24-oras. 

“The earliest 29 minutes. In this case, naka-drive-thru tayo, lahat ng tinetest, lilikumin natin at dadalhin sa ospital. Most likely, in one day, malalaman kagad nila para mabigyan natin ng kapanatagan ang taga-Maynila or anybody na taga-Metro Manila who will pass by our city,” saad ni Moreno.

Dagdag niya, ang kanilang makina ay may kapasidad na gumawa ng 100 tests kada oras. Tatlong makina rin ang inihanda ng Maynila para sa drive-thru at nakatakda silang bumili ng isa pa. 

“We're really trying to strengthen, reinforce our approach in mass testing and early detection for proper medical care,” ani Moreno. 

Kapag nagpositibo ang nagpa-test, makikipag-ugnayan ang lokal na pamahalan ng Maynila sa kanila at sila naman ay kakausapin din ng mga health experts kung ano ang kanilang dapat gawin. 

“Ang sikreto is to find as early as possible for anybody yung kaniyang sitwasyon, kasi marami tayo ngayon na asymptomatic,” ani Moreno. 

Bukod sa drive-thru, tuloy-tuloy pa rin ang COVID-19 test sa mga health centers at mga ospital. 

“It would be better na mas maaga nating malaman,” sabi niya. 

Bukas ang drive-thru COVID-19 testing mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. Tanging ID lamang ang kailangang ipakita. 

“We would prefer government ID. The reason behind is the contact tracing after testing," sabi ng alkalde.