Mga mag-aaral sa Calinog, Iloilo na gamit ang mga cellphone na ipinamigay ng Edukonek sa kanilang paaralan. Retrato mula sa Edukonek
Dahil sa kahirapan at kakulangan ng resources, hindi magiging madadali para sa mga guro at mag-aaral sa ilang lalawigan ang porma ng edukasyon sa darating na pasukan.
Sa ilalim ng planong distance learning, ihahatid ang mga aralin sa mga estudyante sa pamamagitan ng printed at digital modules, online platform, telebisyon, at radyo.
Pero ayon kay Noraida Datumanong, school head ng isang elementary school sa bayan ng Kabacan, Cotabato, maraming bata ang mahihirapang maunawaan ang lessons mag-isa.
"Karamihan ng magulang nila ay 'di sila nakapag-aral," ani Datumanong.
Hindi rin umano lahat ng estudyante ay may cellphone para makausap ang mga guro.
"Minsan sa isang tahanan, iisa lang ang cellphone o sa mga magkapitbahay, may isang cellphone at doon sila makikigamit," ani Datumanong.
Sa kaniyang kaarawan noong Hunyo, binuo ng researcher na si Jecel Censoro ang Edukonek, na layong makalikom ng kalahating milyong piso pambili ng mga cellphone, sim card, at data load.
Ibibigay ang mga cellphone, sim card, at load sa mga nangangailangang eskuwelahan sa mga probinisya.
"Pinili namin na hindi siya ibigay sa estudyante para mayroong custodian yung phones para masigurong magagamit siya for e-learning," ani Censoro.
"And at the same time para mas maraming makagamit doon sa mga phones, kasi marami talaga yung needs," dagdag niya.
Unang nabigyan ng tig-10 cellphone package ang 3 pampublikong paaralan sa Marawi City, Guimaras, at Iloilo.
"To our teachers and learners, it is a great help to all of us," ani Lenita Caro, principal ng Gama Integrated School sa Calinog, Iloilo.
Halos 40 paaralan, karamihan sa Visayas at Mindanao, ang lumapit sa grupo.
Subalit kulang pa rin ang nakalap nilang pondo.
Nagbebenta rin ng pagkain online ang Edukonek at nagsasagawa ng mga webinar.
"Medyo mahirap talaga to mobilize funds," ani Censoro. "Tulungan na lang din tayo at this time rather than losing hope sa ating sitwasyon."
Sa mga nais mag-donate o mag-volunteer, maaaring makipag-ugnayan sa Edukonek:
- Facebook - www.facebook.com/EDUKONEK
- Instagram at Twitter - @EduKonek
- Email - edukonek@gmail.com
Patuloy din ang pagkalap ng Department of Education ng gadgets na ipagagamit sa mga guro sa pasukan.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, education, edukasyon, distance learning, Edukonek, donation, school donations, TV Patrol, Anjo Bagaoisan