ALAMIN: Mga lugar sa Malabon na isasailalim sa 'special concern' lockdown

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2020 04:52 AM

MAYNILA - Labing-limang araw na isasailalim sa special concern lockdown ang ilang bahagi ng Malabon.

Magsisimula ang localized community quarantine sa July 16 hanggang July 30 alinsunod sa direktiba ng Malabon City Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases

Kabilang dito ang bahagi ng P. Concepcion at Tumariz sa Barangay Tugatog; University Avenue Extension and Guava Street sa Brgy. Potrero; 1st, 2nd, 3rd, 4th Street at C4 Road sa Brgy. Tañong; Gozon Letre at Phase 1 sa Brgy. Tonsuya; at Block 14 A at Block 14 C sa Brgy. Longos. 

Habang ipinapatupad ang lockdown, ipagbabawal ang paglabas sa bahay ng mga residente maliban sa mga authorized persons outside residence (APOR) tulad ng mga medical at health workers, at iba pang essential workers.

Titiyakin na masusunod ang safety protocol sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, barangay officials at Malabon Police.

Tiniyak din ng lokal na pamahalaan ng Malabon na maibibigay ang mga pangangailangan ng mga apektadong residente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.