ABS-CBN iniugnay sa isyu ng pagbuwag ng pangulo sa oligarkiya

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2020 07:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Muling binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ABS-CBN at direktang tinukoy ito na bahagi ng oligarkiyang gusto niyang buwagin, base sa audio recording ng kaniyang talumpati sa Jolo, Sulu noong Lunes na hindi isinama sa ipinalabas sa radyo at telebisyon.

Sa pagbisita ni Duterte sa Jolo, ipinagmalaki niya na nalansag sa ilalim ng kaniyang termino ang tinawag niyang oligarkiya na siya umanong nagkokontrol sa ekonomiya at nakikialam sa politika ng bansa.

"Without declaring martial law, sinira ko ‘yung mga tao na humahawak sa ekonomiya at umiipit at hindi nagbabayad. They take advantage sa kanilang political power," ani Duterte.

Sa harap ng malawakang espekulasyon sa pinatutungkulan ng pangulo, itinanggi noong Martes ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang mga Lopez ng ABS-CBN ang tinutukoy ng pangulo.

Ayon kay Roque, ang mga oligarkong sinasabi ng pangulo ay sina Lucio Tan, Manny Pangilinan at ang Ayala group.

Iginiit maging ni Sen. Christopher "Bong" Go—na kasama pa ng pangulo sa Jolo, Sulo—na wala namang tinutukoy ang pangulo.

Binibigyang diin lang aniya ng pangulo ang kampanya ng gobyerno kontra korapsyon at nagkataon lang na lumabas ang umano ay maling pamamalakad ng ilang mga grupo o kompanya.

Pero sa nakuhang audio clip ng ABS-CBN News ng kumpletong talumpati ni Duterte, lumabas na partikular na binanggit niya ang ABS-CBN at direktang ikinabit sa intensiyon niyang wasakin ang oligarkiya sa bansa.

"Iyon namang ABS-CBN, binaboy ako, pero sinabi ko, 'pag ako ang nanalo, bubuwagin ko ang oligarchy ng Pilipinas. Ginawa ko. Without declaring martial law, sinira ko ‘yong mga tao na humahawak sa ekonomiya at umiipit at hindi nagbabayad. They take advantage sa kanilang political power," ani Duterte.

Binatikos rin niya ang mga Lopez kaugnay sa buwis, equipment at pag-aari sa lupaing kinatitirikan ng ABS-CBN.

"Alam mo, itong pangyayari ng ABS, sabihin niyo sa mga anak ninyo, tax free 'yan. All equipments ng ABS-CBN, tax free pumasok. Tapos ang titulo nila, 44 hectares. 44 square meters, Maria Ignacia, it’s supposed to be 44,000 square meters. 'Yong mga lokohan na," ani Duterte.

"Tapos may mga holding company sa labas. Ganoon din. Ano 'yong, ano 'yong inano nila ni Marcos. Sila rin. Cayman, tapos may holding company sa Hungary, doon nila binubuhos. Kunwari, may ano sila, may investment sila doon. Padala sila ng pera. Pero 'yong investment na 'yan, wala na. 'Yong pera hindi na 'yan babalik. Kaya walang taxes," dagdag ng chief executive.

Lumabas din sa audio clip na hindi ipinalabas sa umereng talumpati ng pangulo ang mga banat niya sa news website na Rappler at iba pang kritiko.

Aminado ang pangulo na maaaring may masakripisyo ngayong panahon ng pandemya pero may mabuti itong bunga para sa taumbayan.

Sa dulo ng kaniyang mensahe, kumambyo ang pangulo kaugnay sa pagpapasara sa ABS-CBN.

"Itong may isa pang ano, human rights na regional. 'Yong puti, sabi niya, ako raw ang nagpasara sa ABS-CBN. P***** i**, anong malay ko? Nagpasara niyan, Congress. A**h*** talaga ang g***. Ganoon yung puti," aniya.

Una nang sinabi ni Roque na hindi patakaran ngayong ng Palasyo na i-edit ang talumpati ng pangulo bago ito ipalabas sa publiko.

Iginiit ni Roque na wala siyang personal na alam sa mga sinabi ng pangulo dahil hindi siya kasama sa Jolo.

Pinandigan ni Roque na hindi ABS-CBN ang tinutukoy na oligarkiya na pinabagsak ng pangulo.

"I cannot be wrong. Documentary evidence shows it was Congress who actually threw out the franchise application of ABS-CBN," ani Roque.

Nanindigan si Roque na neutral pa rin ang pangulo sa usapin ng prangkisa ng ABS-CBN gayong tinanggap nito ang paumanhin ni ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak.

Ayon pa kay Roque, paano masasabing ang mga Lopez ang tinutukoy na oligarkiya ng pangulo kung hanggang ngayon ay buhay pa rin ang ilan nilang negosyo.

Noong Biyernes, pinatay ng House committee on legislative franchise ang aplikasyon ng ABS-CBN Corp. para sa panibagong 25-year franchise.

Sa 85 lumahok sa botohan, 70 kongresista ang pumabor na aprubahan ang resolusyon na nagrerekomendang huwag bigyan ng bagong prangkisa ng ABS-CBN.

Labing-isa naman ang kumontra sa rekomendasyon ng technical working group o pabor na bigyan ng prangkisa ng ABS-CBN.

Sa pagsasara ng ABS-CBN, nangangambang mawawalan ng trabaho ang maraming empleyado ng kompanya.

-- Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.