PatrolPH

30 huli sa paglabag sa lockdown protocols sa Sta. Cruz, Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2020 12:03 PM

Aabot sa mahigit 30 taong lumabag sa iba't ibang ordinansa - partikular na ang paglabag sa pagsuot ng face mask at curfew - ang nahuli sa Sta. Cruz, Maynila, Miyerkoles. 

Ayon kay Police Maj. Aldin Balagat, deputy station commander ng Manila Police District Station 3, parte ito ng mas pinaigting na pag-monitor sa iba't ibang kalsada para matiyak na sumusunod ang lahat sa mga ordinansa partikular na ang pagsuot ng face mask at curfew. 

Tumaas aniya kasi ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 kaya kailangan mas higpitan din ang pagpapatupad sa mga ordinansa. 

Karamihan sa mga nahuli ay lumabag sa curfew at nasa labas ng bahay pasado alas diyes ng gabi. Ang ilan naman ay hindi naka suot ng face mask sa pampublikong lugar. 
 
Dinala ang mga lumabag sa barangay sports complex sa Barangay 310. Nahuli ang mga ito sa loob ng 2 oras. 

Nauna nang nagbabala si Manila Mayor Isko Moreno na dapat ikulong ang mga iresponsableng magulang na pabaya sa mga anak. 

Marami na kasi umanong minors ang nahuling lumabag sa curfew at sa hindi pagsusuot ng face mask, kaya ayon sa alkalde, maaring magulang na ang paparusahan kung hindi nila maalagaan ng mabuti ang kanilang mga anak.

-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.