2 timbog sa panghoholdap sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2020 04:38 PM

MAYNILA — Inaresto noong gabi ng Martes ang 2 lalaki sa Barangay Napindan, Taguig City matapos umanong tangayin ang bag ng isang lalaking pauwi galing trabaho.

Puwersahan umanong kinuha ng mga suspek na kinilalang sina Jayson Alterado at Pyramid Andrino ang bag ng biktimang si Joseph Cruz, na papauwi sana galing trabaho pasado alas-8 ng gabi.

Binantaan umano ng mga suspek na babarilin ang biktima kaya hindi na ito pumalag.

Nakauwi sa kani-kanilang mga bahay ang mga suspek pero sa tulong ng mga kuha ng CCTV ay nakilala sila at natunton ng mga awtoridad.

Narekober ang bag ng biktima, na may lamang cellphone at pera.

Kasong robbery hold-up ang isinampa laban sa mga suspek.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.