Transport groups sanib-puwersa sa protesta vs modernization

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2019 07:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsanib-puwersa ngayong Lunes ang 2 transport group sa pagkalampag sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City para igiit ang kanilang pagtutol sa jeepney phaseout at public utility vehicle (PUV) modernization program.

Ipinanawagan din ng mga grupong Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) at Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang pagbitiw sa puwesto ni LTFRB Chairman Martin Delgra dahil palpak umano ang pamamahala nito sa ahensiya.

Ayon sa mga grupo, bukod sa hindi angkop sa bahaing mga kalsada ang mga modernized jeepney, walang kapital ang mga driver at operator para makabili ng mga sasakyan, na nasa P2.5 milyon ang halaga.

Wala rin anila silang kakayahan para magtayo ng mga kooperatiba, asosasyon o korporasyon kapalit ng mga indibiduwal at maliliit na operator.

"Ang dami-daming pang mga requirement na hindi kami papasa. Sa makatuwid, pag di kami pumasa, 100 percent phaseout po kami," ani ACTO president Efren de Luna.

Sinabi rin ng mga grupo na nagpahiwatig ang ibang transport groups na sasali sa kanilang bagong alyansa, kasama ang TNVS, UV express, tricycle, at pedicab drivers.

Sama-sama raw silang magkakasa ng welgang bayan sa Setyembre.

"Huling baraha po namin, pagpasensiyahan na ninyo, lalong-lalo na ang aming mga pasahero," ani De Luna.

Sa programa ng pamahalaan, mayroon na lang hanggang Hunyo 2020 ang mga PUV driver at operator para mag-modernize.

-- Ulat nina Doris Bigornia at Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.