Senior citizen nagpanggap na dinukot, humingi ng pera sa pamilya

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2019 03:45 PM

Nakauwi na sa kaniyang pamilya sa Zamboanga City ang isang 71 anyos na lalaki matapos siyang magpanggap na siya ay dinukot para makahingi umano ng ransom money.

Nahuli ng pulisya noong Sabado sa Ipil, Zamboanga Sibugay si Haji Nakib Tan Puyong sa pawnshop kung saan ipinadala ng kaniyang pamilya ang umano ay perang pantubos sana sa kaniya.

Hulyo 10 nang umalis ng bahay si Puyong at nagpaalam na magpapa-check up sa doktor pero hindi na siya bumalik.

May nag-text umano sa pamilya ni Puyong na nagsabing dinakip ang matanda. Tumawag kalaunan sa pamilya ang umano ay kidnapper at humingi ng P3,000.

Na-trace ng pulisya ang tawag sa Ipil kaya nahanap si Puyong.

Inamin din ni Puyong ang pagpapanggap at sinabing nagawa rin niya iyon para malaman kung may pakialam sa kaniya ang kaniyang pamilya.

Pinalaya ang matanda at hindi na kinasuhan, ayon kay Maj. Edwin Duco, tagapagsalita ng Zamboanga City Police Office.-- Ulat ni Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.