National dengue alert idineklara ng DOH

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2019 03:38 PM | Updated as of Jul 15 2019 09:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Nagdeklara ngayong Lunes ang Department of Health (DOH) ng national dengue alert dahil sa umano ay mabilis na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng nasabing sakit sa bansa.

Ayon sa DOH, nakapagtala sila ng 106,630 kaso ng dengue sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Hunyo 29. Mas mataas daw ito ng 85 porsiyento kumpara sa dami ng kasong naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Sa Western Visayas naitala ang pinakamaraming kaso sa 13,164. Sinundan ito ng (11,474), Central Visayas (9,199), Soccsksargen (9,107), at Northern Mindanao (8,739).

Kabilang sa mga rehiyon na lumampas sa "epidemic threshold" ang Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, at Northern Mindanao.

Ang mga sumusunod na rehiyon naman ang binabantayan ng DOH matapos lumagpas sa "alert threshold": Ilocos region, Cagayan Valley, Calabarzon, Bicol region, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, at Cordillera Administrative Region.

Kasama sa mga sintomas ng dengue ang matinding pananakit ng ulo, pananakit ng mga kalamnan at kasukasuan, pagkahilo, pagsusuka, at pamamantal, ayon sa DOH.

Itinigil ng gobyerno noong 2017 ang pamamahagi ng bakuna kontra dengue na Dengvaxia matapos ibunyag ng manufacturer nitong Sanofi Pasteur na maaaring magdulot ng malubhang sintomas ang bakuna kapag naibigay sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue.

-- May ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.