Mga suspek sa Metrobank robbery sa Maynila tukoy na

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2019 04:09 PM | Updated as of Jul 15 2019 06:23 PM

Ipinapakita sa slideshow ng Manila Police District ang larawan ng mga suspek, na unang natukoy bilang mga "person of interest," sa pagnanakaw sa Metrobank noong nakaraang linggo. George Calvelo, ABS-CBN News

Tukoy na ng Manila Police District (MPD) ang mga suspek sa panloloob sa sangay ng Metrobank sa Binondo, Maynila.

Kinilala ngayong Lunes ni MPD director Brig. Gen. Vicente Danao ang mga suspek bilang sina Marlon Parojinog, Gilcar Mofan, Noli Casuela, Michael Calunod at Frederex Secretario.

May iba pang suspek na kasama ang grupo, ani Danao.

Ayon naman kay Manila Mayor Isko Moreno, hanggang ngayon ay hindi pa nakikipag-ugnayan sa kanila ang Metrobank.

Hindi pa rin daw alam kung magkano ang halagang nakuha sa panloloob.

Umaga ng Huwebes nang pasukin ng mga kawatan ang sangay ng bangko sa may Santo Cristo Street, Binondo district.

Nauna nang sinabi ng Metrobank na walang kliyenteng naapektuhan at maging lahat ng kawani nito sa sangay ay ligtas. -- May ulat nina Henry Atuelan at Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.