Malabong tubig mula sa gripo di delikado, ligtas inumin: Maynilad

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2019 07:44 PM

Iginiit ng isang opisyal ng Maynilad na hindi delikado at ligtas inumin ang malabong tubig na lumalabas mula sa mga gripo kasunod ng water service interruption.

"This is not harmful, this will dissipate, just let the water stand in a container," ani Jennifer Rufo, head ng corporate communications ng Maynilad.

"Salain din ang tubig na ito para kung may agam-agam sila, hindi naman kailangan inumin," dagdag ni Rufo.

Nauna nang ipinaliwanag ng Maynilad na nagkakaroon ng kulay ang tubig dahil sa service interruption. Kapag itinuloy na ang water service, sumasama ang mga mineral deposit na nasa loob ng mga tubo dahil sa biglang lakas ng daloy ng tubig.

Hanggang may krisis sa tubig, patuloy daw na makararanas ng water interruption, ayon kay Rufo.

Nasa 36 cubic meters per second ang alokasyon ng tubig para sa Metro Manila.

Hiniling naman ng grupong Gabriela sa Maynilad na huwag munang maningil habang may problema sa tubig.

"Akalain mo, walang tubig tapos sisingilin," ani Gabriela party-list Rep. Emmi de Jesus.

Samantala, nasa 158.75 metro na ang antas ng tubig sa Angat Dam, ayon sa state weather bureau na PAGASA.

Hindi naman daw sapat ang paparating na bagyong Falcon para tumaas ang tubig sa dam.

Nasa 2 hanggang 3 bagyo pa ang inaasahang papasok sa Philippine area of responsibility ngayong buwan, ayon sa PAGASA.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.