Lalaking nang-awat ng away, patay sa pananaksak sa Las Piñas

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2019 07:18 AM | Updated as of Jul 15 2019 08:12 AM

MANILA -- Patay ang isang 33-anyos na lalaki matapos pagsasaksakin ng mga kapitbahay na inawat niya mula sa pakikipag-away sa Barangay Talon Uno, Las Piñas, Lunes ng madaling-araw.

Galing sa inuman at nakikipagsuntukan ang magkapatid na sina Armando at Jomar Dumawal laban sa kanilang kumpare nang awatin sila ng biktimang si Edgardo Reyes sa Camachili Street, Golden Acres, ayon sa pulisya.

Napagbalingan anila ng galit ng magkapatid si Reyes na kanilang hinabol matapos may mag-abot sa kanila ng itak. Nadapa umano ang biktima at doon pinagsasaksak ng mga Dumawal sa dibdib, kamay at likuran.

Nakita pa ito ng kinakasama at nanay ng biktima.

"'Pag lumalapit ako sa anak ko para mayakap ko, tinutulak ako, tinutulak din 'to," sabi ng inang si Marlene.

"Nakikiusap ako tama na, may tama na anak ko. Sinaksak nila sa harapan ko, pati ako nasaktan. Yun ang masakit. Hayop talaga."

Dinala si Reyes sa Las Piñas Medical Center pero dineklarang dead on arrival.

Nakatakas ang nakatatandang si Armando Dumawal, samantalang naaresto ang kapatid niyang si Jomar pero inoobserbahan ito sa Las Piñas District Hospital dahil sa mga tama sa tiyan.

Inaalam pa kung kanino galing ang mga saksak.

Posibleng makasuhan ang magkapatid ng murder.

"Yung Dumawal brothers may mga record po dito, about sa laging ganyan na mga gulo. Yung Reyes na biktima wala pa naman," ani Ronnie Gonzales, desk officer ng Bgy. Talon Uno.

Tumanggi namang humarap sa barangay at mga pulis ang nakaaway ng mga kapatid na si alyas Badong.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.