Nabaril na dating Santo Tomas vice mayor, inoobserbahan pa rin sa ospital

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2018 05:38 PM | Updated as of Jul 01 2019 12:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inoobserbahan pa rin sa ospital ang lagay ng dating vice mayor ng Santo Tomas, Batangas matapos siyang pagbabarilin nitong Sabado, Hulyo 14.

Pinagbabaril ang 59 anyos na si Ferdinand Ramos ng hindi pa nakikilalang salarin sa harap ng kanilang bahay.

Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, kagagaling lang sa simbahan ni Ramos nang siya'y barilin.

Naglakad din lang umano ng ilang metro ang gunman matapos ang krimen at saka sumakay sa isang motorsiklo para makatakas.

Isinugod naman si Ramos sa Saint Cabrini Hospital kasunod ng tinamong tama ng bala sa kaliwang bahagi ng kaniyang mukha.

Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa krimen.

Tumanggi naman munang magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.

Nagsilbing vice mayor si Ramos mula 2013 hanggang 2016. Kumandidato siyang muli noong 2016, pero natalo sa halalan.

PAMAMARIL SA KONSEHAL

Sa Lipa City, Batangas, patay sa pamamaril ang isang konsehal ng barangay nito rin lang Sabado.

Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktimang si Ronel Luancing.

Kuwento ng misis ni Luancing, narinig niya pa ang mga putok ng baril nang asintahin ang kaniyang mister sa labas lang ng kanilang tahanan.

Unang beses lang tumakbo ni Luancing sa halalan noong Mayo.

Tingin ng misis ng biktima, malayong politika ang motibo sa pagpatay dahil walang kalaban ang grupo nina Luancing noong halalan.

Ayon sa Lipa City police, mayroon na silang iniimbestigahang tao pero tumanggi muna silang pangalanan para na rin sa seguridad ng kanilang pagsisiyasat.

-- Ulat ni Fay Virrey, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.