Lalaki nang-hostage ng bata sa convenience store

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2018 10:11 AM | Updated as of Jul 15 2018 10:12 AM

Rumeresponde ang mga awtoridad sa hostage-taking incident sa isang convenience store sa Cagayan De Oro. ABS-CBN News

CAGAYAN DE ORO - Tatlong oras na hinostage ng isang lalaki ang isang 10-taong-gulang na bata sa isang convenience store sa lungsod na ito, Sabado ng gabi.

Kuwento ng clerk ng tindahan, balisang pumasok sa establisimyento ang suspek at humingi ng tulong dahil may humahabol umano sa kaniya.

Pero tila nataranta umano ang suspek kaya biglang nakipagbuno sa clerk hanggang sa makita ang batang babae. Kinuha umano ng suspek ang paslit at ipinulupot sa leeg nito ang hose ng fire extinguisher ng tindahan.

Dala ang paslit, pumasok ang suspek sa storage room, kung saan niya nakuha ang naiwang revolver ng guwardiyang katatapos lang ng shift.

Doon na dumating sa lugar ang isang pulis na humahabol sa suspek. Maya-maya pa, dumating ang ilan pang pulis at nakipagnegosasyon sa suspek na hininging makausap ang kaniyang pamilya.

Sa gitna ng negosasyon, pinaputok ng suspek ang baril. Wala namang natamaan.

Kinalaunan, nakumbinsi ng kapatid ang suspek na pakawalan ang bata na ligtas at hindi nagtamo ng anumang sugat.

Inaalam pa ng mga imbestigador kung nasa tamang pag-iisip ang suspek at kung bakit hinahabol ito ng pulis.

Posibleng kasuhan ng serious illegal detention ang suspek.

Ulat ni PJ Dela Peña, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.