'Ibang Manny Pacquiao,' natunghayan sa laban: analyst

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2018 06:54 PM

Napakaliksi ni Manny Pacquiao kumpara sa mas batang si Lucas Matthysse sa kanilang laban nitong Linggo. Kuha ni Lai Seng Sin, Reuters

Ipinakita ni Manny Pacquiao ang kaniyang gigil na maging dominante sa laban nila ni Lucas Matthysse nitong Linggo, ayon sa ilang boxing analyst.

Halos isang taong hindi sumabak sa ring ang 39 anyos na senador, pero sa laban kontra sa mas batang boksingero mula sa Argentina, nanaig ang bilis ni Pacquiao.

"Hindi man siya kasing bilis noong dati, pero whatever speed na mayroon siya [Pacquiao] ngayon, maganda pa rin 'yong naging paggamit niya. On the part of Matthysse, I noticed na after the first round, OK pa siya. Pero noong may mga pumapasok na suntok, especially 'yong right hand ni Manny Pacquiao, naging mensahe 'yon kay Lucas Matthysse na ibang Manny Pacquiao 'yong kaniyang kalaban ngayon," ani Dennis Principe, isang boxing analyst.

"'Yong early rounds nakita natin 'yong attempt ni Manny Pacquiao na siya agad ang magdo-dominate ng labang ito. Ipinakita niya kay Lucas Matthysse, 'hindi kita bibigyan ng pagkakataong pakawalan ang kanan mo, I will be able to outwork you the rest of the way," ani Atty. Ed Tolentino na isa pang analyst.

Sa unang dalawang knockdown pa lang, nakita na ni Tolentino na patapos na ang laban para kay Matthysse.

"'Yong second knockdown, very crucial. Kasi 'yong una, puwedeng sabihin na tsamba lang. 'Yong pangalawa, talagang na-disappoint siya [Matthysse]. 'Yong third knockdown, para sa 'kin, formality na lang," ani Tolentino.

Ito ang unang laban ni Pacquiao na wala si Freddie Roach. 

Pero bago ang bakbakan, nag-post sa Instagram si Roach, bumabati sa dati niyang kampeon.

Hindi naman ipinahiya ni Pacquiao si Roach sa lahat ng tinuro niya.

"'Yong pangarap ni Freddie Roach na right hand, nakita natin dito sa laban na ito," sabi ni Principe.

Maraming natuwa na may knockout power pa pala si Pacquiao, bagama't hindi ito tipong knockout na isang suntok na malakas at isang bagsak.

Pero kahit papaano, dala ng diskarte at dahil singlaki na niya ang kalaban at hindi mas malaki sa kaniya, naroon pa rin ang "asim" ni Pacquiao.

"Si Manny Pacquiao po ay umaakyat ng timbang. 'Yong kaniyang mga nakakalaban ay mga welterweight. At kapag mas malaki ang puno, mas mahirap tibagin. Ano pinagkaiba ni Matthysse? Si Matthysse halos singlaki lang ni Manny Pacquiao. Very good, very inspiring win for Pacquiao to rediscover na andoon 'yong knockout power. It's only a matter of getting the right foe," ani Tolentino. -- Ulat ni TJ Manotoc, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.