7,000 pulis magbabantay sa SONA

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2018 10:52 AM

MANILA - Itatalaga ang nasa 7,000 pulis para magbantay sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, inanunsyo ng Metro Manila police nitong Sabado.

Ihahayag ni Duterte ang kaniyang SONA sa Batasang Pambansa, Quezon City sa Hulyo 23.

"At least 7,000 uniformed policemen will be deployed, lalo na rito sa QC," ani Chief Supt. Guillermo Eleazar, hepe ng National Capital Region Police Office.

"We are coordinating with all stake holders and all those involved in the program, inaasahan natin ang kooperasyon ng bawat isa para magkaroon tayo ng tahimik, matiwasay at maayos na pagdaraos ng SONA,"dagdag niya.

Sumailalim na sa 5-araw na seminar ang mga pulis na magbabantay sa SONA upang matiyak ang pagpapatupad ng maximum tolerance sakaling magkaroon ng giriin laban sa mga nagpoprotesta, sabi ni Eastern Police District chief Senior Supt. Bernabe Balba.

Nagpapatuloy rin aniya ang kanilang intelligence gathering sa mga posibleng banta sa SONA, kasabay ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan hinggil sa traffic re-reouting.

May ulat nina Angel Movido at Jeff Hernaez, ABS-CBN News