Kaanak ng nasawing operatiba ng SAF, ikinatuwa ang kaso laban kay Aquino

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2017 05:41 PM

Umaasa ang mga mahal sa buhay ng 44 pulis na nasawi sa madugong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao na mabibigyang hustisya ang kanilang pagkamatay matapos kasuhan ng Office of the Ombudsman ang dating Pangulong Benigno Aquino III kaugnay ng insidente.

Ayon kay Florencia Agacer, ang ina ni Omar Nacionales na nasawi sa operasyon noong 2015, nagpasalamat siya noong lumabas ang balita na kinasuhan ng Ombudsman si Aquino. Naniniwala siya umano na may pananagutan si Aquino sa mga nangyari sa Mamasapano.

"Dakkel ti pammatik nga isuna pay ti maysa ni Aquino ken tay kakaduadna, isu pelang atapek. Ti makunak, maragsakan kame ta maukag man daydi kaso ti baro kon. Ket maragsakan nak ta mapilaan da, ta barbareng pakalag-anan mi, sapay koma maragpat mi ta baro mi," ani Agacer.

(Malaki ang paniniwala ko na isa si Aquino at mga kasamahan niya, sila ang hinala ko. Ang masasabi ko, natutuwa kami na mauungkat muli ang kaso ng anak ko. Masaya ako at makakasuhan sila, na sana'y magiging magaan sa amin, sana makamit ng anak ko ang hustisya.)

Si Aquino ay nahaharap sa kasong usurpation of authority at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa umanong koneksyon niya sa palpak na pagpaplano sa operasyon na ikinasawi ng 44 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force noong Enero 25, 2015.

Naging batayan ng pagsasampa ng kaso ang mga text message at ang meeting ni Aquino bago at habang nangyayari ang misyon sa Mamasapano para arestuhin ang teroristang si Zulkifli bin Hir alyas Marwan.

Napatay si Marwan sa operasyon.

“Uray koma napilayan tay barok basta sisibiag, ta haan nga undas ta kwarta a maaw-awat mi, ta ti kwarta maibos,” ani Agacer.

(Kahit sana napilayan ang anak ko, basta buhay. Hindi ito mapapalitan ng perang tinanggap namin dahil ang pera, nauubos.)

Sa resolusyon ng Ombudsman, sinabing nagsabwatan umano sina Aquino, noo’y suspendidong Director-General Alan Purisima, at dating PNP-SAF chief Getulio Napeñas sa mga kasong usurpation of authority at graft.

Iba pa ang kasong ito sa mga isinampa noong Enero kina Purisima at Napeñas sa Sandiganbayan dahil sa operasyon sa Mamasapano.

Abswelto naman si Aquino sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide matapos walang makitang probable cause ang Ombudsman.

Nagpahayag na ang kampo ni Aquino na iaapela ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.