Ex-mister ni Sunshine Dizon, akusado sa panggugulpi ng negosyante

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2017 05:12 PM | Updated as of Jul 15 2017 07:44 PM

Inireklamo ng isang negosyante ng pambubugbog ang dating mister ng aktres na si Sunshine Dizon.

Nagtamo ng mga sugat sa mukha ang nagrereklamong si Robert Sison matapos aniyang gulpihin ni Timothy Tan sa isang restobar sa Quezon City.

Kuwento ni Sison, kasama niya ang mga kaibigan sa restobar nang mangyari ang pambubugbog.

Nasa banyo noon si Sison nang bigla siyang lapitan umano ni Tan at pagsasapakin sa mukha.

May suot din daw na brass knuckles si Tan nang pagsasapakin si Sison.

Ayon kay Sison, kinakasama ngayon ni Tan ang dati niyang misis.

Bago ang pananapak, nakita niya pa umano sa lugar ang sasakyang binili niya para sa dating misis.

“I positively identify the car that I bought for my wife,” ani Sison. “They are living in together.”

Tingin ng abogado ni Sison, inabangan siya ni Tan.

Ilang araw bago ang insidente, binaklas din umano ni Tan ang side mirror ng sasakyan ni Sison matapos dinggin ang child custody case ng dating mag-asawang Sison sa korte.

Pero mariing itinanggi ni Tan ang mga akusasyon.

Aniya, si Sison ang naunang nambugbog.

“As a self-defense, gumanti ako. Well, wala ako magagawa, lasing siya,” depensa ni Tan. “Actually, hindi kami personal na magkakilala but his wife was linked to me.”

Matapos ihayag ang kani-kanilang statement sa police station, iaakyat sa piskalya ang reklamo ni Sison para sa pagsasampa ng kaso.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Quezon City Police District sa insidente. Nakatakdang magharap muli ang dalawang kampo sa Lunes. -- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.