2 miyembro ng "gun for hire group" timbog sa Malabon

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2017 08:46 AM

MANILA -- Timbog ang dalawang pinaghihinalaang miyembro ng grupong "gun for hire" sa Barangay Tonsuya, Malabon City.

Kinilala ang mga suspek na sina Tony Mateo at Johnny Salas.

Ayon kay SP01 Alexander dela Cruz, binabalak ng mga suspek na patayin si Police Senior Inspector Bobby Mario Egera, ang dating pinuno ng Anti-Illegal Drugs team ng mga pulis sa Malabon. Ngayon ay nakatalaga na si Egera sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Si Egera umano ang nanguna sa isang operasyon laban sa nasabing grupong "gun for hire", na pinaniniwalaang pinamumunuan ng isang barangay captain. 

Ayon sa mga suspek, binayaran sila ng kapitan upang patayin ang pamilya ni Egera.

Nahuli ang mga suspek matapos umanong mapansin ni Melanie Niyeras, ang kinakasama ni Egera, na ilang araw nang pabalikbalik ang mga ito sa kanilang bahay.

Ayon kay Mateo, isinama siya ni Salas sa planong pagpatay, ngunit hindi umano niya alam kung sino ang kanilang papatayin.

Itinanggi naman ni Salas ang bintang at sinabing nagpunta lamang sila sa lugar upang manghiram ng pera sa kanyang kapatid.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.