1 patay matapos malunod sa spillway sa Basilan

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2017 01:37 AM

Patay ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ng Basilan matapos malunod sa isang spillway sa bayan ng Tipo-Tipo nitong Biyernes.

Nakasakay umano sa motorsiklo si Nurhudin Sahak at anak nitong 13 taong gulang nang tangayin sila ng malakas na agos ng tubig pasado alas-12 ng tanghali.

Sinubukan umanong tawirin ng mag-ama ang spillway na boundary ng Barangay Danapah, bayan ng Al-Barka at Barangay Bohe Tambak.

Susunduin sana nila ang kauuwi lang na overseas Filipino worker na asawa ni Nurhudin sa pier ng Lamitan City.

Nakahawak ang anak ni Nurhudin sa sanga ng puno ngunit sa kasawiang palad ay tuluyang tinangay ang kanyang ama matapos siyang manghina dahil sa pagtama ng ulo nito sa mabatong bahagi ng spillway.

Sa Barangay Bohe Lebung, Tipo-Tipo na natagpuan ang bangkay ng biktima bandang 6:30 ng gabi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.