1 lalaki natagpuang nakahandusay sa Makati City

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2017 08:34 AM | Updated as of Jul 15 2017 04:14 PM

MANILA - Isang lalaki ang natagpuang nakahandusay sa kalsada ng Pasong Tamo corner Arnaiz Avenue, Barangay Pio del Pilar, Makati City.

Ang biktima ay nakilalang si Eddie Elayon, batay sa nakitang identification card (ID) sa kanyang pitaka.

Ayon sa mga otoridad, bahagi ang biktima ng isang security agency, at ang kanyang tirahan ay nasa Bacoor, Cavite. 

Duguan at nakasuot ng helmet ang biktima, ngunit hindi makita ang dala nito umanong motorsiklo.

Natagpuan sa crime scene ang isang 9mm na baril at apat na basyo ng bala.

Ayon kay Jose Cerdeña, tauhan ng Bantay Bayan, dakong alas-3 ng madaling araw nang maiulat sa kanila ang insidente.

Kwento ng mga tauhan ng Bantay Bayan, nakarinig ang mga saksi ng tatlo hanggang limang putok ng baril sa lugar, ngunit wala pang detalye kung paano umano pinaslang ang biktima.

Pagnanakaw ng motor ang tinitingnang motibo sa pagpatay sa biktima, ayon sa isang saksi. Patuloy naman ang imbestigasyon sa pangyayari. - DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.