Umano'y tulak ng droga, patay sa buy-bust operation

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2016 06:42 PM

MANILA - Patay ang isang lalaki matapos manlaban sa mga pulis sa ikinasang buy-bust operation sa Tuazon Village sa Marikina City kagabi.

Kinilala ang lalaki na si Jose Bumatay alyas Otek. Ayon sa pulis, nakakutob ang suspek sa isanasagawang buy-bust kaya nito pinaputukan ang mga pulis, dahilan para siya'y paputukan din ng mga pulis na siya niyang ikinamatay.

Narekober ang anim na sachet ng hinihinalang shabu at isang kalibre 38 mula sa suspek.

Samantala, sa Marikina pa rin, arestado ang apat na lalaki at dalawang babae matapos maaktuhang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Nakuha sa kanila ang ilang drug paraphernalia. Paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act ang kasong kakaharapin ng anim.