Umano'y tulak ng droga, patay matapos 'manlaban' sa pulis

Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2016 11:11 AM

MANILA - Patay ang isang lalaki matapos umanong manlaban sa mga pulis sa isang buy bust-operation sa Binondo, Maynila kagabi.

Arestado naman ang dalawang pang lalaki na kasama niya kabilang ang nag-AWOL na pulis.

Wala nang buhay nang madatnan ni Almira Tan ang kanyang kinakasamang si Melchor dela Cruz makaraang palabasin ng mga pulis sa kanyang bahay sa Parola sa Maynila kagabi.

Nangunguna sa listahan ng drug suspects ang napaslang na si dela Cruz. Ayon sa mga pulis, nanlaban ito sa isinagawa nilang drug operation kaya nauwi sa putukan ng baril ang sitwasyon.

Narekober ang baril at mga sachet ng shabu.

Arestado naman sina Bembol Sanorjo at dating pulis na nag AWOL na si PO3 Redentor Espinosa na kapwa naaktuhan sa loob ng bahay ng suspek.

Itinanggi ni Espinosa na gumagamit siya ng iligal na droga.

Patuloy naman ang pag-udyok ng pulisya sa mga gumagamit ng droga na sumuko na at ituro ang mga tulak na pinagbibilhan nila.